Labinlimang taong romansa sa UST

  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 879.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_style_default::options() should be compatible with views_object::options() in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_style_default.inc on line 25.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
Jan 2 2011

Reynaldo T. Candido, Jr.

Reynaldo T. Candido, Jr.Kung susumahin, labinlimang taon na pala akong nasa UST. Apat na taon bilang estudyante; labing-isa bilang guro. Hindi masyadong matagal kung ihahambing sa ibang wika nga’y dito na inugatan. Lalong hindi naman maikukumpara sa apat na siglong pag-iral ng ating unibersidad. At sa bilang ng mga taong inilagi ko sa UST, palagay ko, may karapatan na akong umawit ng “those were the days my friend…” May karapatan na rin ako, sa palagay ko, na magbalik-alaala sa nakalipas na labinlimang taon. Simulan natin…

Bigla kong nakita ang sarili kong naka-uniporme ng pang-Educ! Payat na payat! Parang isang bulate na lamang ang hindi pumipirma, nakahanda na ako sa dako pa roon. Binabagtas ko ang dating de-bubong na walkway sa likod ng Arch of the Centuries hanggang sa harap ng estatuwa ni Fray Benavides. Hugis Y ang de-bubong na walkway na nakakaasiwa dahil ilang mag-aaral ang naglalampungan sa mga upuang nangaroroon. Sa isip-isip ko, ginagawang motel ang daanan! Ayan, hindi nagtagal, tinanggal tuloy ang mga bubong! Magtiis kayo ngayon sa init ng araw at basa ng ulan!

Ang UST Chapel at ang Main Bldg.

Papunta ako ng chapel. Ito ang chapel na hindi pa nire-renovate ni Arch. Norma Alarcon. Wala pa ang mga altar na may tatsulok. Naroon ako siyempre para sa misa. Ang gustong-gusto ko sa misa sa chapel kapag ganoong mga oras, ang bilis! Siguro wala pang mga 30 minuto, tapos na. Kaya sa isang mag-aaral na dumarating ng alas-sais, may nalalabi pa akong 30 minuto para makapagrepaso ng mga aralin para sa alas-siyete kong klase.

Pupuwesto ngayon ako sa isa sa mga upuan sa harap ng ospital habang naghihintay mag-alas-siyete. Maginhawa pang umupo roon noon kasi wala pa ang fast food chains na naririyan na ngayon. O kaya, doon ako sa may isang pavilion sa Tinoko Park. Kumbaga sa aso, naihian ko na ang isa sa mga iyon at nagkakataon naman, kapag dumarating ako, parating bakante ang naturang puwesto. Para bang nabili ko na ang lugar na iyon.

Hindi pa ganyan kagara ang liwasan sa harap ng Main Building. Bago pa nagmukhang pagawa ni Mayor Lim (o Atienza?) ang naturang liwasan, simpleng paradahan lamang iyon ng mga sasakyan. Nakaganda ba ang disyenyong “Mahal kong Maynila?” Sabi nga ng cliché, “beauty is in the eyes of the beholder.” Basta ang natitiyak ko, bago tinabtab ng magagaling nating inhinyero ang paligid ng Main Bulding, pinagplanuhan nila itong mabuti para hindi maapektuhan ang estruktura ng gusaling tanyag sa buong bansa. Ang natitiyak ko ring bago sila nagbubutas para sa mga kable at makina ng air-con na nangakasabit sa paligid ng gusali, matalino nila itong pinag-isipan para naman hindi masayang ang titulong National Cultural Treasure na ikinabit sa naturang gusali. Tiyak ‘yon!

‘Estudyante Blues’ sa Educ

Alas-siyete na. Simula na ng klase ko sa Educ. Naging makulay ang buhay ko sa naturang kolehiyo dahil sa mga minamahal kong guro. Hayaan ninyong alalahanin ko ang ilan sa kanila: Si Ms. Josefina Aguilar, ilang beses kong titser sa Theology. Pagpasok na pagpasok niya sa klase, nagdarasal na siya. Pagdating niya sa mesa, tapos na ang dasal! “Do not provoke Ms. Aguilar!” Madalas niyang sabihin sa amin. Nakukulitan kasi siya sa klase namin. Libre ang pad paper kapag may quiz kami sa kaniya. Si Mrs. Honorata Dayao, titser ko sa Ingles. Ang tindi ng diction and pronunciation niyan! Si Mrs. Marishirl Tropicales, titser ko sa Algebra. Naku po, pasang-awa ako. Si Dr. Evelyn Songco, titser ko sa Lesson Planning. Mahusay at articulate. Gugustuhin mo talagang magtitser kapag siya ang naging titser mo. Si Mrs. Giovanna Fontanilla, titser ko sa Educational Technology. Naaalala ko pa ang isa niyang tanong, “How could you explain the dignity of the human person?” Taas ako ng kamay at sumagot: “We are created in the image and the likeness of God, Ma’am!” Aniya, “Excellent, Mr. Candido! Excellent!” Very passionate na titser. Si Mrs. Susana Gualvez, critic teacher at titser din sa ilang major. Kapag nag-Filipino ‘yan, ang biruan nga namin noon, mahihiya si Balagtas! Si Dr. Allan de Guzman, titser ko sa Educational Research. Ang sabi niya sa simula ng klase, “I want this class to be a thinking class.” Ganoon nga ang nangyari. Si Mrs. Purisima Castillo, titser ko sa major, ang kauna-unahang titser na nagbigay sa akin ng uno! Paano mo naman makakalimutan ‘yon! Si Fr. Franklin Beltran, O.P., titser ko sa Old Testament (nag-minor kasi ako ng Religion); sa kanya ko unang nalaman ang kahulugan ng INRI na nakalagay sa ulunan ng nakapakong Kristo. Ang nasirang Ms. Grace Padre, ilang beses kong titser sa Theology at minor. Ang laki ng tiwala niya sa akin dahil kahit minor ko lamang ang Religion, pinagturo rin niya ako nito sa Education High School! Si Mrs. Beatriz Ribleza, titser ko sa Practical Arts. Riot! Iyan ang salitang maglalarawan sa klase niya. Mahuhulog ka sa upuan katatawa sa mga hirit niya. Si Mrs. Gliceria May Lagniton, titser ko sa Health Education, sa kaniya ko natutunan ang tawag sa parang sumisilip na puting bahagi ng ating mga kuko—lunula! Marami pa! Kung aalalahanin ko lahat, hindi magkakasaya ang espasyo. Pero ang mga titser na ito ang nagbigay-kulay sa aking buhay-kolehiyo. Hindi lamang ako, natitiyak ko, kundi maging ang iba ko pang mga kaklase.

Kung Paano Ako Nakapasok

Makalipas ang apat na taon, payat pa rin ako, nakita ko ang sarili na nakasakay sa elevator ng Educ., kasama si Mrs. Gualvez. May ikinonsulta ako sa kanya. Natanggap na ako noon para magturo sa St. James College sa Tandang Sora pero gusto ko pa rin siyempreng makapagturo sa UST. Nagkataon namang nakasabay namin si Fr. Melchor Saria, O.P. Naririnig pala niya ang pinag-uusapan namin ni Mrs. Gualvez. Bago lumabas sa elevator, sinabi niya sa akin na pumuta ako sa Ed. Tech. Center at gusto raw niya akong makausap.

Tulad ng maraming bagay na nangyayari sa buhay ko nang hindi ko pinagpaplanuhan, nakita ko na lamang ang sarili kong nagtatrabaho na sa Ed. Tech. bilang scriptwriter. Si Fr. Saria talaga ang nagbigay ng break sa akin sa UST. Bagaman, contractual lamang, nagustuhan ko ang trabahong iyon dahil binigyan niya ako ng sariling opisina at marami pang perks na hindi mo aasahan mula kay Dr. Joyce Arriola. Siya ang nagsabi sa aking hindi ako bagay sa opisina. Ang dapat daw sa akin, nasa loob ng klasrum at nagtuturo. Nagkaroon tuloy ako ng lakas ng loob na ipadala ang aking transcript at CV sa opisi na ng nasirang Dr. Milagros Tanlayco, na noo’y puno ng Kagawaran ng mga Wika. Naabutan ko pa ang bagsik ni Inang noon, “But you don’t have an M.A, mister!” ang masungit niyang sabi. Masusi pa niyang tinitingnan ang grades ko. Parang kino-compute! Lately ko na lamang malalaman na mahina pala sa Math si Inang! “Anyway, I’ll keep this and if there’s a college which will need a teacher, I’ll send you papers. I’ll let them decide if they’re going to accept you even without the minimum required degree. You may go” Talagang eksena sa pelikulang “The Devil Wears Prada” ang naranasan ko. Nito na lamang nagtuturo ako sa AB nang malaman ko kung gaano kalambing si Inang. Dumating sa puntong isa ako sa mga piling iimbitahan niya sa kaniyang bertdey at pagdiriwang ng Pasko. Hanggang sa naki-Inang na rin ako ng tawag sa kaniya dahil nga sa kaniyang kabutihan.

Minsan, noon ding mga panahong iyon, nakasalubong ko si Lito Zulueta, ang aming publications adviser sa Varsitarian noong nag-aaral pa ako. Natuwa siya nang malaman niyang nagtatrabaho na ako sa Ed. Tech. Nang maghihiwalay na kami, bigla niyang naalala na nangangailangan ng titser sa Filipino sa AB. Hiningi niya ang papeles ko at sinabing ibibigay niya sa Dean’s Office.

Konektado pa ako sa Ed. Tech. ng mga panahong ito. Tanghalian nang tumawag ako sa bahay dahil may nalimutan akong ilang papel (Tandaan: wala pang cell phone noon. Mahal naman ang magka-beeper). Nabanggit sa akin ng kasama namin sa bahay na may tumawag sa akin mula sa Faculty of Pharmacy at naka-iskedyul daw ako para sa interbyu. Aba, sa loob-loob ko, sa Pharmacy pala ibinigay ni Lito ang papeles ko. Akala ko sa AB. Iyon pala, nalaman-laman ko, si Inang pala ang nag-forward ng papel ko sa Pharmacy. Sa madaling salita, natanggap ako sa Pharmacy, at binigyan na ako ng iskedyul para sa psychological test at medical exams. Pasado naman ako sa lahat. Nagkomento lamang si Dr. Norma Lerma, ang noo’y dekana ng Pharmacy, nang mabasa niya ang mga resulta, na mataas daw ang dami ng bacteria sa ihi ko pero hindi naman daw problema iyon. Nagagamot naman daw.

Kumbaga sa baril, kasado na akong magtuturo sa Pharmacy. Pagkatapos, nang mapatawag ulit ako sa bahay makalipas ang araw na makompleto ko ang papeles para sa Pharmacy, mayroon na naman daw tumawag, ngayon naman, mula sa AB at naka-iskedyul daw ako para sa interbyu. Ipinadala pala talaga ni Lito ang papeles ko sa AB.

Ang umupo para mag-interbyu sa akin sa AB noon ay sina Dr. Ophelia Dimalanta, dean; Mrs. Josefina Gonzalez, assistant dean; Mrs. Josephine Aguilar-Placido, faculty secretary; Dr. Emmanuel Lopez, (ewan ko kung bakit nakasama noon si EJ) at si Fr. Lucio Gutierrez, O.P., regent. Hanggang ngayon, hindi malimut-limutan ni Mrs. Placido kung ano ang isinagot ko sa tanong ni Ma’am Ophie kung saan ko ba talaga gusto, Pharmacy o AB. Ang sagot ko kasi noon, “I’ll think about it.” Nayabangan pala si Mrs. Placido sa sagot ko noon! Sa kalaunan, AB ang pinili ko. At heto nga, nakakalabing-isang taon na ako sa AB.

Paghahanap sa Nawawala

Labing-isang taon na ang nakalilipas pero naalala ko pa rin ang Coop Canteen. Wala pa iyang quadricentennial fountain na iyan sa likuran ng Main Bldg. Magandang Japanese Garden pa iyan na may mga buhay na isdang lumalangoy sa man-made na sapa. Noong nag-aaral ako, hindi ako kumain ni minsan sa Coop Canteen kasi nauso ang sakit na hepatitis noon at ang kantinang ito at ang maruming tubig sa kampus ang sinisi kung bakit nagkaroon ng epidemya. Nito na lamang nagtuturo ako nang kumain ako sa naturang kantina habang tinatanaw ang estatuwa ni Manuel Colayco (nasaan na kaya ito?). Nami-miss ko rin ang Miranda Bookstore katabi ng kantina. Dito ka madaliang makakabili ng papel o ng kahit na anong kailangan mo. Nawala na rin ang estatuwa ng mga Dominikong Martir sa harapan ng Central Library. Ngayon, gusali na ang nakatayo rito. Makalipas ang labinlimang taon, ngayon, masasabi kong sa UST na ako inugatan. At hindi lamang iyon. Dito na rin ako nagkasanga, lumawig at nagbunga. Saksi ang unibersidad na ito sa maraming pangyayari sa buhay ko gaya ng kung paanong naging saksi rin ako sa mga pangyayari sa buhay ng unibersidad.

Noon, naiinis ako sa matatanda kapag sinasabi nilang “Eh dati-rati hindi naman ganyan. Dati wala namang ganito, ganoon.” Pero ngayon, nagugulat na lamang ako sa sarili dahil ako mismo at nagsasabi na rin ng ganitong mga pahayag. Tumatanda na nga ako…and I like it.

Ngayon, hindi na ako ang payat na estudyanteng naghahanap ng mapupuwestuhan para hintaying mag-alas-siyete. Nagkalaman na, lumalaki na ang tiyan, marami nang kasamahan at kaibigang sinamahan at tinalikuran, pero patuloy pa ring nananatili sa UST kahit na paminsan-minsan na lamang. Mananatili ako rito hanggang ang lahat ay maging alaala na lamang. V

*Dating junior associate sa UST Center for Creative Writing and Studies si Prof. Reynaldo T. Candido. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa UST Faculty of Arts and Letters. Si Prof. Candido ay naging katuwang na patnugot din sa Filipino ng Varsitarian mula 1996 hanggang 1997