Higit pa sa karangalan

  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 879.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_style_default::options() should be compatible with views_object::options() in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_style_default.inc on line 25.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
Jan 2 2011

By Mark Andrew S. Francisco

Mark Andrew S. FranciscoMARSO 2010. Huling linggo na noon ng taong 2009-2010. Tapos na ang finals para sa mga magsisipagtapos na mag-aaral tulad ko. Dahil hindi pa maaring makita ang grades sa MyUste, kabado akong pumunta ako sa Registrar’s Office para itanong ang aking GWA. “Anong pangalan?”

tanong ng kawaning nasa kabilang panig ng salamin. “Francisco, Mark Andrew.” Nanginginig ang boses ko. Pinagpapawisan ang aking mga kamay at tila mabubunot ang aking bituka sa tindi ng kabang nararamdaman.

Gamit ang hintuturo, hinanap niya ang aking pangalan at huminto pagkatapos ng isang tila makapal na tuwid na linya. Malinaw kong narinig ang sinabi ng babae. “1.77.” Napaupo ako sa bangkong nasa tapat ng opisina. Pinipigilan ang pagtulo ng luha. Hindi ako umabot sa listahan. Ang itinuturing kong tanging pagpapatunay na tama ang desisyon kong pumasok sa UST, hindi ko pa nagawang makamit.

Hindi naman talaga UST ang first choice ko. Kaya lang, hindi pumayag ang Mama ko na tumuloy ako sa UP Los Baños. Malayo raw at baka lubos daw siyang mag-alala. Ano pa nga bang magagawa ko? Nagpatala ako sa UST, tiningnan ko pa ang pangalan ko sa listahan ng USTET passers sa chicken wire fence sa Engineering complex (na ngayon ay Alumni Walkway na) para makasiguro.

Pero itinatak ko sa isip ko na lilipat ako sa Diliman matapos ang isang taon. Nagdaan ang unang taon ko sa UST at hindi ko na naisipan pang lumipat ng pamantasan dahil na rin sa hindi magandang resulta ng unang taon ko rito. Nagpalunod ako sa pressure kaya’t nang hindi ako nakasama sa Dean’s list —ang be-all and end-all ng buhay ko noong mga panahong iyon— ay pagkabigo ang aking naramdaman. Bukod pa rito, masasabi kong hindi rin gaanong maganda ang pakikitungo ko sa ilan sa aking mga kamag-aral.

Malaking tulong ang pagbabakasyon ko sa Zamboanga at napagnilay-nilayan ko ang mga nangyari. Isang bagong sibol na pag-asa ang bitbit ko sa sumunod na taon. Nagbunga naman ito ng maganda. Naging maayos na ang pakikisama ko sa aking mga kamag-aral. Naging news writer din ako sa The Flame at higit sa lahat, naging DL na rin ako. Dito ko rin naisipang sumali sa Varsitarian.

Ilang araw rin akong malungkot. Ayaw ko na nga sanang dumalo sa graduation dahil malulumbay lang ako tuwing maririning ang katagang Latin na iyon. Ngunit nag-iba ang lahat isang linggo bago kami magtipon-tipon sa PICC nang dumalo ako sa Baccalaureate Mass. Habang patuloy ang pagputok ng fireworks sa kalangitan, nagbabalik sa aking alaala ang lahat. Ang mga projects na sama-sama naming pinagpuyatan, kung paano nakilala ang klase namin (JRN1) dahil sa kakaiba umanong ugali namin, nang isa-isa kaming naglagay ng mansanas sa mesa ng guro namin sa PGC na nagalit sa amin, at nang ma-reshuffle ang klase noong third year. Higit sa lahat, kung paano nabuo ang pangarap naming magkasama-sama sa isang organisasyon na tinupad ng Varsitarian.

Paano nga ba ako nakapasok sa Varsitarian?

Sa aming magkakaibigan, si Danielle Dandan ang unang nakapasok sa V bilang News writer noong 2007. Kasama niya sina Emil dela Cruz at Heinz Brobo, parehong sports writers, na kapwa kaklase rin namin. Hindi tulad noong unang taon ko sa UST na parang ang layo-layo ng V (para literal na mapalapit ako sa Varsi, pumupunta kami noon sa lumang opisina sa Main Building para lang kumuha ng kopya), tila naging abot-kamay na ang V dahil may kakilala na ako sa loob.

Dahil na rin kay Danielle, namulat ako sa kung ano ba ang nagaganap sa loob ng opisina. Dito ko na rin naisipang kumuha ng qualifying exams. Kasama ko noon sina Sarah Pauyo at Prinz Magtulis at sa awa ng Diyos kapwa kami nakaabot hanggang sa interview. Naalala ko pa, umkot ang tanong ni Sir Lito Zulueta (ang publications adviser ng V) sa kung ano ang students activity fund. Inilaglag kasi ako ni Sir J.Vic Torres (miyembro ng selection committee na nag-interbyu sa akin) na heavily-edited daw ang article ko sa The Flame tungkol doon. Dahil doon, akala ko hindi na ako matatanggal pero kinagabihan, nakatanggap ako ng text mula kay Andrew Bonifacio (noo’y executive editor ng V) na nakapasa nga ako! Napunta ako sa Filipino, Features naman si Sarah at kasama ni Prinz si Danielle sa News.

Patnugot ko sa seksyong Filipino noong summer 2008 si Ruben Asuncion, katuwang naman niya si Samuel Medenilla (na siyang magiging patnugot ko sa sumunod na semestre). Kasama ko bilang manunulat noon sa Pinoy si Quinia Ranjo. Si Anthony Divinagracia ang punong patnugot samantalang si Levine Lao naman ang aming managing editor.

Naging makulay ang taong ito hindi lamang sa Varsitarian kundi sa seksyong Filipino rin. Dahil bago kaming tatlo nina Kuya Sam at Quinia sa seksyon, sinikap naming magpapanumbalik ang sigla ng seksyong Pinoy. Nagtagumpay naman kami: sa loob ng dalawang semestre ay top section ang Filipino, top editor si Kuya Sam at top writers naman kami ni Quinia. Nakapaglabas din kami ng supplement para sa Buwan ng Wika kung saan tinalakay namin ang e-VAT at kung saan dapat ilaan ang subsidyong nakukuha mula rito. Maituturing kong pinakamasayang parte ng pagiging V staff member ang maging manunulat. Hindi kailangang sumakit ang ulo mo sa pagtiyak na regular na lalabas ng seksyon mo at na maka-quota ang mga manunulat mo. Ngunit tulad ng bawat bagay, kailangan itong magtapos. Darating ang takdang panahon na kailangan mong sumulong at tumayo sa sarili mo.

Nang sumunod na taon, nakapasok na rin sa V ang dalawa pa naming kaibigang sina Athena de Paz at Ching Corpuz na naging Sports at Witness writers. Nagkahiwa-hiwalay man ng block section dahil sa reshuffling, nagkasama-sama na rin kami sa iisang organisasyon. Naging News editor si Danielle, si Sarah naman ang naging Features editor. Naging magkatuwang sa editorial board sina Emil at Prinz bilang editor in chief at managing editor. Witness editor naman si Quinia. Minana ko naman ang trono ni Kuya Sam at kasama ko bilang mga manunulat sina Kacelyn Paje (na student assistant ng V nang nagdaang taon) at Iska Comanda. Sa taong ito, dahil na rin siguro sa pagka-masokista namin, naging fortnightly na ang paglabas ng V. Tila naging “hard” section naman ang Filipino dahil tulad ng News at Sports, kada dalawang linggo lumalabas ang seksyon.

Sa taong ito, naging mas okupado na ako. Bukod sa samu’t saring requirements sa klase dahil magtatapos na rin ako sa kursong Journalism, nariyan din ang mga tungkuling kailangang gampanan sa V. Bukod sa pagiging committee head sa iba’t ibang extra-editorial activities ng V, ako rin ang tumayong punong tagapamahala sa ika-25 Ustetika.

Abril 2010. Nagdaan ang graduation at huling summer ko na sa V. Aaminin ko na naging mas makahulugan ang mga bakasyon ko simula nang maging bahagi ako ng Varsitarian. Nariyan ang retreat and team building sa Caleruega at ang taunang sporstfest sa Caylabne (Ipinagmamalaki ko na sa huling taon ko sa V, naging kampeon ang ITALS!). Maging ang semestral break ay may mid-year planning din sa Subic. Nariyan ang paggising magdamag para mag-star gazing at abutan ang sunrise, mag-cross dress para sa “pageant,” maglaro ng basketball dahil kulang sa miyembro (kahit hindi naman talaga ako naglalaro ng basketball, mag-drama sa dalampasigan dahil kinailangang umalis ng isa sa aking mga manunulat, at kung anu-ano pa!

Naging magandang pagkakataon ang huling Varsi retreat ko sa Caleruega upang makapagmuni-muni ako. Dito ko napagtanto na higit sa Latin honor na pinagsikapan kong makamit ngunit naging mailap sa akin, may iba pang pagpapatunay na tama ang aking naging pasya na maging isang Tomasino: ang pagiging isang Varsitarian staff member. Masasabi kong dahil sa Varsitarian kung bakit naging makabuluhan ang pananatili ko sa UST.

Sa pamamagitan ng mga kuwentong nailathala sa pahayagan, nabigyan ako ng pagkakataong naiba hagi sa mga kapwa ko mag-aaral ang aking mga kaalaman at pakiwari. Nang maging patnugot ako

(kasama na rito ang sayang dulot ng pagkakaroon ng column picture na pinaghahandaan talaga!),

naging pangunahing layunin ko ang maglathala ng paksang maka-Tomasino at nakasentro sa mga kaganapan sa loob ng pamantasan gaya ng nakabinbing pagpapatupad ng Magna Carta for Student’s Rights at ang muling pagtatatag ng Departamento ng Filipino sa UST (na siya namang naisakatuparan noong Mayo 2010). Bukod sa pagsusulat, nariyan din ang pag-aagam-agam kung kakayanin ang maging punong abala para sa mga extra-editorial actitvities ng Varsi kung saan maaari mong gampanan ang iba’t ibang papel: maging emcee, personal alalay ng inimbitahang bisita, food expert, kahera, electrician, florist, kargador at iba pa. Napapawi naman ang lahat ng pagod dahil sa masa sarap na pagkain, masasayang kuwentuhan at hindi-malilimutang samahan ng mga staff members.

Hindi perpekto ang buhay-Varsi.

Nariyang umabot na ako sa puntong lumiban sa klase at hindi kumuha ng pagsusulit dahil sa paghahanda para sa Ustetika kinagabihan, ang

isakripisyo ang pagtulog para matapos ang layout kahit maaga ang pasok kinabukasan (ito ang dahilan kung bakit madalas akong makaidlip sa klase ni Sir Ipe), ang ipagdiwang ang iyong kaarawan habang nagco-cover ng event (nakapanayam ko naman ang paborito kong mamamahayag), at laktawan ang ilang mahahalagang araw sa buhay ng iyong pamilya dahil kailangang matapos ang iyong trabaho sa Varsi. Higit pa sa magandang katugunan mula sa mga mambabasa, napapawi naman ang lahat ng ito ng isang mahigpit at mainit na yakap mula sa kapwa staff member. Gayunpaman, wala akong pinagsisisishan.

Hindi rin maiiwasang may magkapikunan sa loob ng Varsi. Dahil nagmula nga kami sa iba’t ibang mundong pinag-isa ng Varsi, may mga pagkakataong nagkakalamat ang pagsasamahan dahil sa hindi pagkakaunawaan. Kung may mga pagkakaibigang nabubuo sa loob ng Varsi, mayroon ding pagkakaibigang nagwawakas kasabay ng paglisan ng mga tao sa silong ng Varsitarian. Minsan dulot lamang ng kataasang ugali kung bakit hindi na kayang pagkasunduin pa ang mga nasaktang damdamin. Sa loob rin ng Varsi maaaring tumibok at madurog ang puso mo!

Mayo 2010. “Sa “Varsi” ako naging tunay na masaya kaya’t ngayong panahon na ng paglisan, pakiramdam ko ay ninakawan ako ng kaligayahan.” Sa labas ng Caylabne hall, nagbubukang-liwayway na. Mabibilang na lamang sa daliri ang mga gising pa. Inalala ko ang lahat, mula kung paano ako naging fan ng Varsi hanggang sa naging bahagi na nga ako nito. Natapos ang outgoing’s speech ko na hindi ako umiyak. Tila wala na akong mailuha, natuyo na yata ang imbakan ko ng luha sa kakaiyak sa tuwing may mensahe para sa akin.

Higit sa pagkakaibigan, pamilya ang turing ko sa Varsitarian. Sabi nga ni Emil noong bago pa lang ako sa Varsi, mas magiging ka-close mo pa ang ka-Varsi kaysa kaklase. Dahil na rin sa reshuffling ng sections namin kasabay ng pagpasok ko na Varsi, nagkatotoo nga ito. Sila ang naging takbuhan ko sa oras ng pangangailangan, nakihati sa mga tagumpay at kasiyahan at nakiramay sa kalungkutan ko. Bawat pagkakataong pinagsaluhan (sa pagitan ng mga bote ng alak) ang siyang naging pundasyon ng magandang pagsasamahan kaya’t mahirap pakawalan sa oras na kailangan nang lumisan. Alam kong alam nila na mabigat pa rin ang loob ko dahil sa nangyari ngunit ang bawat salita mula sa kanila na pagbibigay ng lakas at pag-asa ang naging daan upang mapagtanto higit pa sa anumang medalya, sertipiko at parangal ang maging isang Tomasino —at Varsitarian staff member.

Natapos ang outgoing speech ni Emil na halos lahat ay lumuluha. Nagsitayo ang lahat. Iyakan. Yakapan. Damang-dama ko ang pagmamahalang sa sintang Varsitarian na higit pa a kung anumang karangalan. V

*Nagtapos ng AB Journalism taong 2009, si Mark Andrew S. Francisco ay naging patnugot ng seksyong Filipino ng Varsitarian mula Hunyo 2009 hanggang Mayo 2010. Siya ay naging top staffer ng Varsitarian noong manunulat pa lamang siya ng seksyong Filipino taong pang-akademiko 2008-2009. Sa kasulukayan, nagtatrabaho siya bilang writer-editor sa isang outsourcing company.