Detour

  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 879.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_style_default::options() should be compatible with views_object::options() in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_style_default.inc on line 25.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
Jan 2 2011

Ni Louie Jon A. Sanchez

Louie Jon A. SanchezPumasok ako sa UST sa gitna ng maraming kabaguhan noong 1998. Nang tumuntong ako sa pamantasan, bago ang rektor, na nangahulugan ng marami-rami ring kabaguhan sa mga kolehiyo. Naabutan ko pa noon ang pagpapalitan ng panunungkulan nina Dekana Ophelia Dimalanta (SLN) at Dekano Armando de Jesus sa Faculty of Arts and Letters kung saan ako nakatakdang kumuha ng Communication Arts—dahil iyon naman ang naipasa ko sa eksamen. Bagong kabanata pala ang mga panahong iyon sa mundo ng panulat sa UST. Isisilang di maglalaon ang UST Center for Creative Writing and Studies (USTCCWS) bandang 1999. Ilang buwan bago niyon, matatanggap ako sa Varsitarian, na inisip kong pasukan dahil sa sama ng loob ko sa mga di gaanong kagandahang karanasan sa AB Student Council. Noong hayskul ako, student council officer ako, at inisip kong student council din ang tiyak kong kababagsakan sa UST. Ang buhay ko pala sa UST ay magiging serye ng mga detour.

Sa Varsitarian ko unang pinakiramdaman ang buhay-manunulat. Hindi ko inisip na pasukin iyon kahit kailan, bagaman nasasabihan na sa hasykul na marunong daw akong magsulat. Sa mahabang-mahabang eksamen ng Varsitarian ko unang pinagpasiyahan kung saang wika susulat—sa Filipino. Nakita ko kasi ang mga katabi kong panay nag-i-Ingles lahat. Isa pa, nahikayat ako ng guro ko sa pilosopiya, si Dr. Alfredo Co, na ipagpatuloy ang pagsusulat sa Filipino. Kahit papaano’y nakalusot naman ako. Hindi ko alam na iyon na pala ang simula ng maraming kabiguan. Una’y makikilala ko ang gurong babago sa buhay ko, at yayanig sa aking daigdig. Nang unang magtagpo ang aming landas, ang unang ginawa ng makatang si Michael M. Coroza, ay ang pagtawanan ako at ang isinulat ko. Sa isang workshop iyon para sa bagong staff ng Varsi na ginawa kung hindi ako nagkakamali, sa isang silid sa UST Central Seminary. Doon ko unang nalasap ang kalupitang wari ba’y lagi kong hahanap-hanapin.

Hindi ang Varsi workshop ang huling pagtatagpo namin ni Sir Mike. Papalarin akong matanggap sa kauna-unahang UST National Writers Workshop na itinaguyod ng USTCCWS. Siya ang isa sa mambabasa ng isa kong maikling kuwento. Kinatay niya ito nang husto, kasapakat ang makatang Rebecca Añonuevo, na nang mga sumunod na taon ay magiging mahalagang impluwensiya sa aking sariling panulaan. Iyon na siguro ang huli naming pagtatagpo ni Sir Mike, kung hindi lang ako nahikayat na magpalit ng mejor. Ang Varsi noon, tulad ng madalas, ay may gahum ng mga nagdadalubhasa sa Journalism. Matapos ang matagal-tagal ding pagninilay, pagdating ng araw ng pasahan ng papel sa majoring (wala pang mejor ang mga Artlets na freshmen at sophomore), Journalism ang pinili kong kurso. At iyon na nga, sa isa kong klase, sa klase sa pamamahayag sa Filipino, inabangan akong muli ng mabalasik na si Sir Mike.

Ngayon ko na lang naiisip talaga ang halaga ni Michael M. Coroza sa pagkamanunulat ko. Nitong huli ko na lang narinig, nang magkasama na kami sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang samahan ng mga makata sa Filipino na itinatag ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario o Rio Alma, ang madalas na pag-e-edit niya noon sa mga pahina sa Filipino ng Varsitarian. Ako noon ang Filipino editor ng papel, at paborito niyang gawing halimbawa ang maraming kamaliang pambalarila na nasusulat sa pahayagan. Hindi ko kasi napasukan ang mga klaseng ito, at naaalala kong lagi niya raw akong hinahanap. “Para kay Louie Jon pa naman ito,” sabi niya, ayon sa isa kong kaklase. Hindi ko alam kung ano ang malaki kong kasalanan, at naranasan ko ang inisip ko noong lubhang pang-aaba. Sa isang banda, dama ko ang bigat ng pagkabigo dahil parang wala akong ginagawang tama. May isang bahagi ko naman ang nag-uudyok na magpatuloy lang. At dahil alam kong matibay naman ang aking sikmura, hindi ako natakot na kunin si Sir Mike na tagapayo para sa aking tesis hinggil sa mga tula ni Rebecca Añonuevo. Sasabihing parang hindi na ako nagtanda, ngunit, sa totoo lang, nagtanda talaga ako.

Si Sir Mike ang tipo ng guro na totoong nagmamahal sa sining at intelektuwalidad. Kaya hinamon niya akong pagbutihin ang aking tesis kahit binuno ko lang ito sa loob ng tatlo o apat na buwan. Sa pamamagitan din ng tesis na iyon, natutukan ni Sir Mike ang pagsusulat ko. Iyon ang unang pagkakataon na inupuan namin ang aking gawa upang suriin at palalalimin. Lagi niyang sinasabi sa akin ang halaga ng madulas na pahayag, kaya hanggang ngayon na guro na rin ako at tumutula, iyon din ang naging pamantayan at pagpapahalaga ko. Hinayaan kong baliin ni Sir Mike ang pagiging maligoy ko. Noong mga panahong ito, sinisimulan ko na ring isipin kung ano ba talaga ang gusto kong gawin sa buhay. Naging mahalagang panahon ng pagninilay sa akin ang mga panahong nagpapabasa ako kay Sir Mike, na nagtuloy nga sa pagpapasiya kong maging guro rin, at magmakata. Si Sir Mike ang aking idolong totoo.

Halos sampung taon ang lumipas, at minsang sumakay kaming dalawa ng taxi ni Sir Mike—galing yata kami sa isang patimpalak ng Komisyon sa Wikang Filipino—hinikayat niya akong pasukin ang LIRA, na malaon kong kinatakutang gawin dahil sa maalamat na bagsik at higpit ng kanilang punong saserdote, si Rio Alma. Palagay na rin naman ako sa aking naipundar sa karera sa loob ng sampung taon, at tapos na rin sa araling graduwado. Pero parang may hinahanap pa akong kabaguhan. Hindi ko iyon matiyak, at talagang napakarunong naman ng Diyos dahil kausap kong muli nang gabing iyon ang taong dahilan ng aking pagkamanunulat. Ewan ba, pero sa dalawang ulit na masuwerteng pagkakataon, laging hurado si Sir Mike sa patimpalak na madalas kong salihan. Masaya ako siyempre, dahil kung baga, nakabawi ako sa marami kong kahihiyan sa kaniya noong nag-aaral pa lang ako, nang hindi niya namamalayan. Ang nanay ko, malaki ang pasasalamat ko sa kaniya dahil kung hindi raw ako “napagmalupitan” (salita ni Sir Mike iyan), baka wala akong narating. Ako man din ay ganoon. Kaya hindi ako nagdalawang-isip na tugunin ang kaniyang paanyaya. Nag-LIRA ako, at nang matapos ko ang kurso ay inialay ko sa kaniya ang sertipiko. Pinalad din akong maging kasapi, at nakatrabaho ko si Sir Mike sa di iilang pagkakataon sa layuning itaguyod ang panulaan.

Nahanap ko rin ang kabaguhang binabanggit ko, at parikala itong maituturing, dahil namalas ko ito sa pagbabalik sa tradisyon ng Panulaang Filipino. Sa mga unang linggo ng klinikang LIRA, si Sir Mike ang guro namin sa tugma at sukat, na matagal kong iniwasang aralin. Nanliit ako dahil nabatid kong napakahina ng aking pandinig sa tugma. Ni hindi ako noon makaisip agad ng salita habang isa-isa kaming inuusisa sa klase. Isa iyong panahon ng pag-uusisa sa marami kong natutuhan; isa ring pananaliksik sa lugar ko sa tradisyon. Malaki rin ang pasasalamat ko dahil sa isang biyaheng iyon, lalong lumawak ang aking pananaw sa pagtula, na pinagdudahan mismo ni Sir Mike sa simula. Sa kaniyang pauna sa aking aklat na At Sa Tahanan ng Alabok, binanggit niya na, “Hindi ko inakalang maiigpawan niya ang sumpa ng maligoy, buhaghag, at walang wawang pangungusap na sanhi ng hindi ko pananalig sa noon ay inakala kong agad-na-lilipas din niyang debosyon.” Nayanig ako nang una kong mabasa sa e-mail ang bahagi ng pauna, na hindi ko nailagay nang ganap dahil sa kakapusan ng espasyo sa pabalat. Hindi ko alam kung naigpawan ko na nga talaga ang mga sumpa, ngunit dahil (at salamat) kay Sir Mike, natutuhan kong mahalin ang pagsusulat—lalo ang tula—sa lahat ng anyo ng lunos at rikit nito. V

*Si Louie Jon A. Sanchez ang may-akda ng At Sa Tahanan ng Alabok. Dalawang ulit (2006, 2009) siyang itinanghal na Makata ng Taon sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino. Tapos ng AB major in journalism sa Faculty of Arts and Letters, mayroon siyang MFA in creative writing mula sa De La Salle University-Manila. Guro siya sa Department of English ng Ateneo de Manila University at managing editor ng Balikbayan Magazine.