May sarili po kaming mundo rini

  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 879.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_style_default::options() should be compatible with views_object::options() in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_style_default.inc on line 25.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/amihan/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
Jan 3 2011

HINDI ko kailanman itinuring ang sarili bilang manunulat. Ang paniwala ko (hanggang ngayon), may kakayahang magsulat ang lahat ng tao. Walang sinoman, sa ganang akin, ang ipinanganak na may hawak agad na panulat at papel. Napag-aaralan, sa madaling sabi, ang pagsusulat, at handa ko itong tindigan saan man tayo makarating. Kung sino ang may kuwenta’t walang kuwentang manunulat, iyan ang mapagtatalunan natin.

Bagaman alam ko sa sariling hindi ako manunulat, ngayong binabalikan ko ang ilang alaala, nagtataka ako kung bakit kahit na noong nasa elementarya pa lamang, napapasali na ako sa mga timpalak sa pagsulat. Bata pa lamang, sanay na akong mabasa ang aking pangalan sa mga byline, at hindi ko ikinahihiyang sabihing kakaiba ang sensasyong naidulot nito (hanggang ngayon). Talaga namang nakapagpapaangat ng kilikili ang bagay na ito.

Pero iba ang naging karanasan ko sa Varsitarian (o Varsi para sa marami sa amin).

Nang maging bahagi ako nito, nalaman kong talagang hindi ako isang manunulat. Dito, nalaman kong walang kuwenta ang mga itinuring kong “tagumpay sa pagsulat” noong nasa elementarya at hayskul. Kaya kung tatalima ako sa sinabi ni T. S. Eliot sa kanyang Tradition and the Individual Talent, hindi ko alam kung saan ko isisingit ang mga naisulat ko noon, sa tradisyon ng ibang mga manunulat at akdang nailathala sa mga pahina ng Varsi sa matagal na panahon.

Staffer na Taga-Educ

“It’s been a long while since we had a staffer from the College of Education.” Tandang-tanda ko ang sinabing ito ni Lito Zulueta, ang naging isa sa mga tagapayo namin, nang kapanayamin niya ako, sampu ng iba pang kabilang sa lupon ng tagapanayam. Nakaramdam ako noon ng kapanatagan ng loob. Naisip kong tila malaki ang pag-asa kong makuha, lalo na kung ang pagbabatayan ay ang dalas o dalang ng taga-Educ na nag-aaplay bilang staffer. Nasa ikatlong taon na ako noon sa kursong BSE (Bachelor in Secondary Education) nang matanggap bilang manunulat sa Filipino, taong panuruan 1997-98. Nagsisisi nga ako’t nagkamali ako ng intindi sa patalastas na nabasa tungkol sa pag-aaplay. Dalawang semestre lamang pala, samakatwid baga’y ikalawang taon, maaari nang maging staffer, hinintay ko pa ang ikatlong taon, sa pag-aakalang dalawang taon nang dapat na naka-enrol bago mag-aplay.

Si Renan Cabrera ang naging editor ng seksiyong Filipino nang naturang taong panuruan. Kami nina Cesar Agor at Karmina Torres ang magkakasama sa seksiyong ito. Walang naging tiyak na beat na itinakda sa amin si Renan, basta ang pagkakaunawa ko, magsusulat kami gamit ang wikang Filipino. May nakalaang pahina para sa amin, bukod pa sa bahaging Usapang Uste. Kaya ang naging paksa ng aming mga naisulat na artikulo ay batay sa kung ano ang sa inaakala namin ay magiging interesante sa mga mambabasa, basta nakasulat ito sa wikang Filipino.

Minsan, tinangka kong magsulat ng tula. Nang bumalik sa akin ang papel kasama ng mga komentaryo ni Renan, doon ko napag-isip-isip na hindi ako makata. Sabihan ka ba namang “Lipas na ang pagtulang gaya ni Balagtas. Hindi ito katanggap-tanggap.” Simula noon, nagkasya na ako sa pagsulat ng mga sanaysay. Ni hindi na ako nagtangkang magsulat ng maikling kuwento, sa takot na mapagsabihan na naman.

Hindi naman ako pinanghinaan ng loob. Hindi ko ugali ang magmukmok sa isang sulok para namnamin nang husto ang pait sa natanggap na pagpulà at mag-asal-asong walang tigil na hinihimod ang langib ng sugat.

Usapang USTe

Unang nalathala ang maiikli kong artikulo sa seksiyong Usapang Uste. Dito, itinatampok ng Varsi ang tatlong bagay: una, ang isang lugar o pangyayari na maaaring hindi pa nalalaman ng mga Tomasino tungkol sa UST. Minsan, may subtitulo itong “Noon po sa Amin;” ang ikalawa, tungkol sa isang alumni ng universidad na naging tanyag sa kanyang larang; at ang huli, ang “Tomasalitaan,” na nagtatampok ng malalalim o di-karaniwang ginagamit na salita sa wikang Tagalog, na kadalasang kinukuha sa diksiyunaryo-tesauro ng “Ama ng Varsitarian” na si Jose Villa Panganiban. Nagbibigay rin ng makabuluhang pangungusap gamit ang naturang salita upang magsilbing halimbawa.

Ang Usapang Uste ang itinuturing na “trivia corner” ng Varsi. Kung paniniwalaan ko ang sinabi ng isang kaklase noon, ito ang pinakaunang binabasa, pinakainteresante at pinakapaboritong bahagi ng mga mag-aaral kapag nakakuha na sila ng kopya ng Varsi. Kung paniniwalaan ko naman ang sinabi ng isang dating pinuno ng komite ng Pautakan, ito halos ang pinagkukunan nila ng mga tanong sa bahaging “UST History” ng naturang paligsahan.

Ang Varsi sa Buwan ng Agosto

Espesyal para sa seksiyon namin ang buwan ng Agosto. Dahil Buwan ng Wika, tila itinakda ng isang Republic Act na sa ganitong buwan ay dapat maglabas ng pahayagang Filipino ang Varsi. Doble rin ang trabaho namin sa ganitong buwan dahil dumadaan sa amin ang lahat halos ng artikulong ilalathala namin.

Nang nagtuturo na ako, iminungkahi kong gawing salitan ang paglabas ng pahayagang Filipino at Ingles. Sang-ayon naman dito si Lito Zulueta, ngunit ang takot niya, mas marami sa mga staffer ang bihasa sa pagsulat sa Ingles kaysa Filipino, at malamang sa hindi, mahihirapang magmantini ng ganitong kalakaran.

Iminungkahi ko rin na sana, magkaroon ng sariling pahayagang Filipino ang UST. Ngunit gaya ng maraming bagay na tila alikabok na madaling tangayin ng hangin, hindi nagkatotoo ang alinman sa mga bagay na ito. Sa madaling sabi, nanatiling seksiyon lamang ang Filipino, sa halip na isang hiwalay na pahayagan.

Katulong na Editor

Nang taong panuruan 1998-99, ang huli kong taon sa Varsi, naging katulong na editor ako ng aming seksiyon. Gaya ng dati, ikinagulat ko ito dahil aapat lamang kami sa aming seksiyon at sapat na ang ginagawa ng editor namin para matugunan ang anomang pangangailangan. Nang tanungin ko si Lito Zulueta hinggil sa bagay na ito, sinabi niyang ibig ng lupon ng mga editor na maglabas ng higit na maraming artikulo at isyu sa Filipino.

Higit sa anomang bagay, ang naibigan ko sa pagiging katulong na editor ay ang pagkakaroon ng sariling kolum. Bagaman minsan lamang ito, tuwang-tuwa ako dahil bukod sa byline, magkakamukha na rin ako!

Sa naturang una’t huli kong kolum, tinalakay ko ang mga dahilan kung bakit dapat na ibalik ng UST ang Kagawaran ng Filipino. Tuwing na lamang Buwan ng Wika, laging ito ang paksa ng ilang artikulo sa Varsi. Muli, gaya ng maraming bagay na tila alikabok sa hangin…alam na natin kung ano ang nangyari.

Apat na malalaking artikulo ang naisulat ko sa dalawang taon kong pananatili sa Varsi. Ang tatlo ay tungkol sa malalaking tao sa larang ng panitikan. Sina Bella Angeles-Abangan, guro, division supervisor ng Maynila, at may-akda ng multi-volyum na aklat na Lakbay Diwa; Rolando S. Tinio, guro, dramaturgo, tagasalin, Pambansang Alagad ng Sining, at ang itinuturing na alibughang anak ng mga Dominiko; at Genoveva Edroza-Matute, guro, manunulat at kinikilalang “Ina ng Maikling Kuwentong Tagalog.”

Ipinagmamalaki ko ang mga lathalaing naisulat ko tungkol sa tatlong higanteng ito dahil silang tatlo’y pinarangalan na ng “Parangal Hagbong.” Si Tinio noong 1997, si Matute nang susunod na taon, at si Abangan nito lamang taong ito.

Ang isa pa sa apat na malalaking artikulong naisulat ko sa Varsi ay tungkol sa Vuisitarian, ang pahayagang lampoon ng Varsi. Dito tinalunton ko ang kasaysayan ng naturang klase ng pahayagan mula nang una ito malathala hanggang sa huli. Hinalayhay ko ang mga kontrobersiya at sigalot na idinulot ng paglalathala ng naturang lampoon at kung paano hinarap ng mga taga-Varsi ang naturang suliranin. Mapangahas ang mga artikulong inilabas sa mga isyu ng Vuisitarian. Kaya para sa isang sagrado, sarado, konserbatibo at nakakandadong pananaw ng ilang mga Dominiko at profesor, madaling maihahanay ang mga artikulong inilathala sa mga pahina ng Vuisitarian, bilang lathalaing erehe at pilibustero. Ang totoo, may ilang mga staffer na nagmuntik-muntikan nang hindi mahawakan ang kanilang diploma dahil lamang sa nais nilang maging sarkastiko’t pilyo minsan isang taon.

Ipinagmamalaki ko ang artikulo ito dahil kabilang ito sa mga unang laman ng unang website ng Varsi noong taong 2000 hanggang 2002.

Ang mga artikulong ito ang nagbigay sa akin ng kumpiyansa sa sarili na kaya ko naman palang magsulat. Maaaring hindi kasinggaling ng mga kinikilala nating manunulat noon hanggang ngayon. Maano ba? Ang layon ko naman sa pagsulat ay maipahayag ang sarili, hindi baguhin ang mundo. Ngayon, kung sa pagpapahayag ko ng sarili sa pamamagitan ng pagsulat ay nabago ko nang kahit na kapiraso ang mundo, hindi ko na iyon kasalanan.

Ang Akala ng Marami

Ang akala ng marami, walang panahon ang mga staffer ng Varsi para magsaya: walang inaatupag kundi mangalap ng impormasyon; humarap sa monitor para magsulat; magpaskel ng artikulo sa cork board ng editor; balikan ang naiedit na sinulat, tuldok na lamang ang natira; muling sulat na naman; paskel muli…hanggang sa makatatlo, apat, limang balik bago maging pulido ang ilalathala.

Pagkatapos, makikita mo lamang na ipampapandong sa ulo kapag umaambon (huwag mong gamitin kapag umuulan na at mababasa ka rin); bibilutin at gagawing parang light saber; o kaya’y salalayan ng puwet kapag sasalampak sa damuhan ng track and field, at iba pa. Aaminin ko, noong una, kapag nakakakita ako ng ganoon, may kung anong kumikirot sa dibdib ko…masakit.

Gayumpaman, nagsasaya pa rin kami. Umaapaw ang pagkain at inumin kahit hindi Pasko; libreng gamit ng kompiyuter; libreng akses sa ilang kumpidensiyal na impormasyon…isipin na lamang na isa ka sa mapapalad na unang nakakaalam, at hindi ang bersiyong tsismis, kundi ang totoo; libreng outing; at higit sa lahat, makakasalamuha mo ang ilan sa mga pinakamagagaling na manunulat sa bansa…masyado na itong hahaba kung papangalanan ko silang lahat.

Di gaya ng iba, hindi pamilya ang turing ko sa Varsi. Higit pa ito sa isang pamilya. Isa itong maliit na mundo, may sariling mundo. Magugulat ka na lamang na may staffer na nagmula sa planetang Mars at Pluto; may galing sa iba-ibang bansa—sa Afghanistan, Pakistan, at iba pa; may magnanakaw, terorista, santa, traidor, Tupperware, Orocan, tingting, baboy, patay-gutom, social climber, albularyo, mahikero, palikero, karpintero’t mason…sarisari, iba-iba. Sa loob ng apat na sulok nito, nagaganap ang iringan, pataasan ng ihi, siraán, tapakán, laglagan, asaran, may nagkakabugbugan minsan, tawanan, iyakan, pagkakaibigan, pagbibigayan, pagpaparaya, pagmamahalan, at iba pa.

Sa loob lamang ng dalawang taon, talagang nag-iba ang takbo ng buhay ko nang maging staffer ako ng The Varsitarian. Naging bahagi ako ng hindi lamang isang pahayagan, kundi ng isang institusyon sa larang ng campus journalism; natuto akong makisalamuha sa iba’t ibang uri’t pag-uugali ng tao at nagpapanggap na tao; nakausap ko ang mga tanyag na personalidad sa mundo ng panitikan; at higit sa lahat, natuto akong magsulat.

Hanggang ngayon, gaya ng nasabi ko na, hindi ko itinuturing ang sarili bilang manunulat. Ngunit sa pananatili ko sa Varsi, palagay ko naman, kahit paano’y masasabi kong kaya ko nang magsulat.

Ang totoo, sa kahuli-hulihan ng lahat ng ito, hindi naman talaga mahalaga kung ano ang naging posisyon ko o kung ano ang mga artikulong nailathala ko. Hindi naman ito ang pinag-uusapan namin kapag halimbawang nagkikita-kita kaming muli. Umiikot ang kuwentuhan namin sa kung sino ang pinakamatakaw sa grupo, sino ang nakabasag ng plorera, sino ang parang palitaw, sino ang oportunista, sino ang baón sa utang, sino ang naihi sa salawal, at iba pa. Sa paghihiwa-hiwalay namin, hindi namin minamahalaga ang napagtagumpayan namin nang kami ay nasa Varsi, higit pa rito, ang baon namin ay mga alaala ng aming mabuti’t masamang samahan. V

Dating junior associate sa UST Center for Creative Writing and Studies si Prof. Reynaldo T. Candido. Kasalukuyan siyang nagtuturo ng Filipino sa UST Faculty of Arts and Letters. Si Prof. Candido ay naging katuwang na patnugot din sa Filipino ng Varsitarian mula 1996 hanggang 1997.